Dear Anak,
Ang sulat na ito ay sapat nang puweba na may topak ang ama mo. Sino ba ang matinong susulat sa taong hindi pa nag-iexist? Isinulat ko ito nong hindi ko pa tiyak kung magkaka-love life nga ba talaga ako. Natural, malabo pa kung isisilang ka. Maaring hindi ko pa noon kilala ang nanay mo. May nagugustuhan na ako noon pero sa blog ko lang siya liniligawan. Marahil habang binabasa mo ito ay hindi na uso ang blogging. Basta ang blogging ay uso sa mga introvert tulad ng ama mo.
Habang isinusulat ko ito ay kasagsagan ng impeachment proceedings sa senado laban sa chief justice ng supreme court na si Renato Corona. Inakusahan si Corona ng noo’y pangulong Noynoy Aquino na diumano’y pinoprotektahan nito ang noo’y kakababa lang sa pampangulohan na si Gloria Macapagal-Arroyo. Si Arroyo ay naluklok bilang pangulo sa pamamagitan ng EDSA Dos. Hindi ako magtataka kung hindi ka pamilyar sa EDSA Dos kasi kahit labing-isang taon pa lang ang nakakalipas ng EDSA Dos noong isinulat ko ito ay hindi na namin ginugunita ang EDSA Dos. Iyong librong nalathala ukol sa EDSA Dos na gusting gusto kong bilhin noong una ay hindi ko na rin binili noong nakita kong nakabargain sa ground floor ng ELJ Communications Center. At si Erap na pinatalsik ng EDSA Dos ay muntik pang manalo kung hindi lang tumakbo si Noynoy. Siya nga pala muntik ko pang makalimutan na si Erap pala ay ang unang naimpeach. Alam ‘nak noong isinusulat ko ito ay may kaunti akong panghihinayang sa mga oras na sinayang ko kakapanood ko ng impeachment ni Erap. Kung nag-aral na lang siguro ako ay mas mayaman na tayo.
Kung naguguluhan ka sa kuwento ko, dalawa ang dahilan niyan. Una ay magulo talaga ang pulitika kasi mas yumayaman ang mayamang pulitiko habang magulo ito. Sigaw sila nang sigaw ng pagbabago tuwing eleksiyon pero sa totoo lang hindi magkatugma ang pagbabagong nasa isip natin sa nasa isip nila. Ang sa atin ay pag-angat ng ating kabuhayan. Ang sakanila ay pagpalit ng upuan. At kung hindi sila magkasya gagawa sila uli ng upuan. Dati ay taga-fourth congressional district ako ng Camarines Sur, noong isinusulat ko ito ay sa fifth district na ako uuwi tuwing bakasyon hindi dahil sa lumipat ang lola mo ng bahay. Gumawa lang naman sila ng panglimang district kung saan kakandidato si Dato Arroyo, anak ni Gloria Arroyo. Ang mga pulitiko ay nakikinabang sa kalituhan ng mamayan. Siguro ngayon kung namimiyesta ka ay sa Nueva Camarines ka na umuuwi.
Pangalawa ay magulo ang aking isip. Maraming gumugulo sa utak ko noong isinusulat ko ito. Nariyan ang maraming what if ng buhay ko. What if nakipagkilala ako sa seksing babaeng may tattoo sa kaliwang balikat na kulot ang buhok na madalas kong makita sa UP Cine Adarna tuwing may foreign film napalabas. Minsan sinubukan kong lapitan kaya lang na-threaten ata sa akin at mukhang napagkamalan pa akong serial killer. Pero hanggang isinusulat ko ito ay nagbabasakali pa rin akong makita kong muli si Kulot Cinephile para magpakilala ng maayos. Kaya lang medyo naging mas abala ako noong nag-aral akong muli kaya hindi na ako nakakapunta sa Adarna. Pero bilog ang mundo, malay mo. Kung kulot ka anak at madalas tayong manood sa Adarna at kumain sa Rodick’s, ibig sabihin noon ay siya ang nakatuluyan ko. Chickboy ata anak ang tatay mo, kahit sa pantasya lang. Pero lahat ng chickboy sa mundo isa lang ang naman talaga ang mahal. Noong isinsulat ko ito, iisa lang naman lagi ang naiisip ko. Si A, si A na madalas kung sulatan pero sa blog lang. Oo si A, na hinihintay ko sa labas ng simbahan. Si A na ang pangalan ay hindi mabangit na walang ngiting naiiwan sa aking mga labi. Kaya anak kung mahaba ang middlename malamang si A na ang nakatuluyan ko. Pwedeng oo, pwedeng hindi. Hay walang katapusang what if. May topak talaga ang ama mo anak. Pero sana kahit hindi ako pumasa sa pamantayan ng ideal mong ama ay huwag mo akong ikahiya.
Bentesiyete noong isinulat ko ito wala akong matatag na panghahawakan na magkakaanak nga ako o magkakaroon ng karelasyon. Nauupos na rin noon ang pangarap kong maging radio-love guru at medyo malabo noon na magkakarera ako sa paggawa ng pelikula. Hindi ko rin alam noon kung sino ang makakatuluyan ko. Pero buo ang paniniwala kong mayayakap kita sa aking mga bisig. Lagi mo sanang ingatan ang iyong sarili at magpakatatag ka sa lahat ng panahon.
Ang iyong ama,
Tatay Ped
